LEGAZPI CITY – Pinuri ni Camalig Municipal Mayor Carlos Irwin G. Baldo Jr. ang dedikasyon ng mga pulis sa lalawigan ng Albay sa paghahatid ng mahusay na serbisyo-publiko.
Nagsilbing panauhing pandangal at pangunahing tagapagsalita si Baldo sa pagdiriwang ng 28th Police Community Relations Month na ginanap sa Albay Police Provincial Office (PPO) tennis court, sa Camp Captain Salvador Jaucian Del Rosario Sr. Brgy.Sta. Cruz, Ligao City.
Nakasentro ang mensahe ng alkalde sa pagkilala sa dedikasyon at pangako ng mga pulis ng lalawigan sa pagbibigay ng natatanging serbisyo lalo na sa matagumpay na pagtatapos ng Cessna 340A Search, Rescue, and Retrieval Operations.
Hiinangaan niya ang walang sawang pagsisikap ng mga pulis sa pagbabalik ng mga nasawi sa plane crash pabalik sa kanilang mga pamily na tinawag itong aksyon na higit na bumuo ng tiwala ng komunidad.
Hinikayat din ng alkalde ang pulisya na magpakita ng parehong enthusiasm sa pangangalaga sa mga apektadong komunidad sa gitna ng banta ng Bulkang Mayon.
Dagdag pa rito, isang seremonya ang isinagawa para igawad ang mga sertipiko ng pagkilala sa mga opisyal ng pulisya na nagbigay ng malaking kontribusyon sa tagumpay ng paghahatid ng kaligtasan ng publiko, pag-iwas sa krimen, at mga pagsisikap sa pagpapanatili ng kapayapaan sa komunidad, alinsunod sa iba’t ibang adbokasiya ng Philippine National Police (PNP).