LEGAZPI CITY – Kailangan muna umano ng complaint mula sa mga karatig barangay na naapektuhan ng umano’y fly infestation mula sa isang poultry farm sa Brgy. Caguiba, bayan ng Camalig, Albay.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Mayor Caloy Baldo, sinabi nito na dapat mayroong complaint mula sa mga barangay na nakakarating na sa kanila ang mga langaw upang magkaroon ng basehan ang pagpapapunta ng sanitation team at engineering office upang tingnan ang sitwasyon.
Ayon sa alkalde, ayaw niyang mangyari na isipin ng nilang namemersonal sila kaya’t nararapat na mayroong complaint.
Naunan na ring sinabi ni Camalig Public Information Officer Tim Florece sa isang panayam kamakailan na nagpadala na sila ng mga tauhan upang kumpirmahin ang nasabing isyu, subalit ayon naman kay Baldo, wala pang update ukol dito at hindi pa niya nakakausap ang mga tauhan.
Kung matatandaan, noong mga nakaraang buwan, nagkaroon din ng kaparehong isyu sa ilang mga bayan sa lalawigan partikular sa Guinobatan at Daraga kung saan ilang barangay din ang naapektuhan ng mga langaw.