Kinatigan ng Court of Appeals (CA) ang kanilang July 21, 2022 decision na nag-uutos sa Department of Justice (DOJ) na maghain ng rape by sexual intercourse at acts of lasciviousness laban sa komedyante at television host Ferdinand “Vhong” H. Navarro kaugnay sa reklamo ng modelong si Deniece Millinete Cornejo.
Ito’y matapos na ibasura ng CA ang motion for reconsideration ni Navarro at apela para sa status quo ante order (SQAO) na magpipigil sa DOJ mula sa paghahain ng criminal cases.
Mababatid na naghain ang DOJ, sa pamamagitan ng Taguig City prosecutor’s office, ng dalawang kaso sa city’s metropolitan trial court (MeTC) para sa acts of lasciviousness at sa regional trial court (RTC) naman para sa rape.
Kaugnay nito, nakitaan ni MeTC Judge Angela Francesca M. Din ng Branch 116 ng probable cause para kasuhan si Navarro ng acts of lasciviousness sa ilalim ng Article 336 ng Revised Penal Code (RPC) at ipinag-utos ang pag-aresto sa kanya, kasabay ang inirekomendang piyansa na P36,000.
Pero sa pagsuko ni Vhong sa National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City matapos malaman ang arrest order na inilabas ng MeTC, ay sumunod naman kinahapunan ng Sept. 19, ang pagpapaaresto ni Taguig City RTC Judge Loralie Cruz Datahan sa aktor para sa non-bailable offense na rape.
Sa ngayon, nananatili parin ang TV host sa kustudiya ng NBI.
