LEGAZPI CITY – Kahit pa kasalukuyan nang nasa alert level 1 ang status ng Bulkang Mayon, hindi pa rin nangangahulugan na normal na ito’t pahihintulutan na ang anumang human activities dito.
Sinabi ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis sa Brigada News FM Legazpi na abnormal pa rin ito at posibleng magkaroon ng mga phreatic eruptions anumang oras katulad ng naitala noong buwan ng Pebrero.
Ayon kay Alanis, dahil dito, hindi pa rin nirerekomenda ng kanilang tanggapan ang pagpasok sa loob ng 6 kilometers permanent danger zone sapagkat napakadelikado pa rin nito.
Matatandaan, kahapon ay naglabas na ng abiso ang PHIVOLCS patungkol sa pagbaba ng alert level status dahil sa apat na rason: una, ang pagbaba ng bilang volcanic earthquakes; pangalawa, mababang bilang ng naitatalang volcanic gas; pangatlo, ground deformation at pang-apat, halos wala na ring crater glow at dagdag pa na wala na ring nakikitang paggalaw ng lava flow gayundin ang rockfall events.
Subalit, sinabi pa ni Alanis na kahit halos wala nang nakitang paggalaw sa lava flow, maya’t maya’y ang ilang bahagi nito’y maaaring magdulot ng maliliit na landslide, avalanche, at mga uson na lubos na delikado para sa kaligtasan ng publiko.