LEGAZPI CITY – Ligtas na nakalabas ang dalawang senior citizen at pamilya nito matapos masunog ang kanilang tinitirhang bahay sa Pagasa Street, Brgy. San Roque, bayan ng Daraga, Albay kahapon.
Ayon kay Fire Marshall FSINSP Amor Laguilles ng Bureau of Fire Protection (BFP) Daraga, mabilis nailabas ang dalawang senior citizen na sina Emeliana Olavere, 94 anyos at Noli Roganado, 82 anyos pati ang mga kasama nitong pamilya sa loob ng bahay.
Sa ngayon ay hindi pa masabi kung magkano ang halaga ng pinsala ng nangyaring sunog.
Umabot naman sa anim na firetruck ang tumulong sa pag-aapula ng sunog mula sa Legazpi City Fire Station, Chinese Filipino Fire Truck, at iba pa.
Samantala, nagsimula umano ang sunog bandang 4:45 ng hapon at dineklara ito na fire out 5:45 ng hapon.
Sinabi pa ni Laguilles, nagpapatuloy sa ngayon ang kanilang imbestigasyon ukol sa insidente.
Samantala, nananawagan ngayon ang BFP sa mga residente na ngayong pinagdiriwang ang Fire Prevention Month, kailangan sundin ang mga tips na ibinibigay ng ahensya upang makaiwas sa sunog.