BICOL—Inihayag ng pamunuan ng Bicol Regional Training and Teaching Hospital (BRTTH) na nasa 30% ang occupancy rate ngayon ng ospital pagdating sa mga COVID-19 patients.
Ayon kay Dr. Eric Raborar, medical chief ng BRTTH, nasa 36 na mga pasyente ang naka-admit ngayon sa kanilang pasilidad. 60% nito ay mula sa Albay habang ang natitirang 40% ay mula naman sa mga karatig lalawigan gaya ng Sorsogon at Masbate.
Oras anyang umabot ng 55% ang occupancy rate ng ospital ay i-aactivate nila ang “Oplan Albay Triangle”. Handa rin umano sila sa worst case scenario sa Delta variant.
Pero pinayuhan nito ang publiko na huwag magkampante at manatiling maging maingat, sundin ang minimum health standard upang maiwasang mahawa ng COVID-19.
Sa ngayon ay nasa 5,201 ang kabuuang kaso ng sakit sa lalawigan ng Albay kung saan 4,695 na nito ang gumaling, 218 ang nasawi at 289 pa ang aktibong kaso.
Anim ang bagong kasong nadagdag kahapon habang 12 ang mga bagong gumaling at isa naman ang nasawi.
Kung ikukumpara sa ilang araw na nagdaan, mas bumaba pa ang bilang ng aktibong kaso ng sakit sa lalawigan mula sa mahigit 300 dahil sa pagbaba ng mga kasong naitatala kada araw.
Ayon sa LGU, dahil ito sa mas mahigpit na border control na ipinatutupad ngayon sa Albay.# || slm
