NAGA CITY – Tila nabalewala ang ipinatutupad na taunang Brigada Eskwela sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa dahil sa Operation-Baklas ni Education Sec at Vice Pres. Sara Duterte, dahil nasayang lamang ang sariling perang gastos ng mga Guro.
Maganda sana ang programa subalit huli na ito, ayon kay Naga City Councilor Lito del Rosario na siyang Committee Chairman sa Education Committee sa konseho.
Sa paliwanag sa Brigada News FM Naga ni del Rosario, sinabi nito dapat bago pa ang implementasyon ng Brigada Eskwela nag-Operation Baklas na para hindi naman nasayang ang pagpapaganda sa mga silid-aralan.
Nakapanghihinayang aniyang alisin ang mga visual aids sa loob ng classrooms dahil malaking tulong ito sa mga batang mag-aarala lalo na mula sa grade 1 hanggang grade 3 na kailangan ang motibasyon para matuto at maging attentive sa kanilang teacher.
Nakikipag-ugnayan siya sa mga School Heads sa lungsod para alamin kung papano isinagawa ang Operation-Baklas sa kani-kanilang mga silid-aralan.