LEGAZPI CITY – Pormal nang inilunsad ang Brigada Eskwela 2022 sa bayan ng Daraga sa lalawigan ng Albay na may temang “ALBAYanihan and LAKBAYanihan”.
Pinangunahan ang nabanggit na gawain ng Department of Education (DepEd) at Mayor Awin Baldo sa Duterte Highway, Brgy. Binitayan ng nasabing bayan.
Layunin nito ang mapaghandaan ng mga paaralan ang pagbubukas ng klase kung saan pagtutulungan ito ng mga guro at iba pang volunteers para sa paglilinis.
Bago nagsimula ang aktibidad, nagsagawa rin ang mga ito ng Fun Run at Zumba.
Nagpaalala rin ang lokal na pamahalaan na panatilihing malinis ang mga paaralan upang maiwasang magkaroon ng sakit na dengue ang mga mag-aaral sakaling magsimula na ang face to face classes.
Pinasalamatan ni Baldo ang mga volunteers na sumama sa nabanggit na aktibidad upang maipakita sa publiko na sa kabila ng maraming problema na kinakaharap ay nagagampanan pa rin ng mga ito ang kanilang gawain.