Ibinunyag ni Senator Francis Tolentino na nag-imbita umano ang Senate blue ribbon committee ng patay nang resource person, para sa kanilang imbestigasyon sa pagbili ng overpriced pero outdated laptops para sa Deped.
Ayon kay Tolentino, naabisuhan siya bago ang araw ng pagdinig na ang certain “Atty. Crisologo” ay hindi makakadalo sa hearing dahil ito ay patay na.
Matatandaan na sa pagdinig noong nakaraang linggo, nabanggit ang pangalan na certain Atty. Jose Crisologo na umano’y nagnotaryo sa memorandum of agreement (MOA) sa pagitan ng Department of Education (DepEd) at ng Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM), kaugnay sa kontrobersiyal na P2.4 billion na laptop deal.
Kinumpirma naman ito ni Senator Jinggoy Estrada, na batay sa impormasyon mula sa nakatatandang kapatid nito na si dating congressman Vincent “Bingbong” Crisologo, na patay na nga ang naturang abogado, dahil sa kidney complications noong nakaraang taon.
Sa gitna nito, hiniling ng panel sa Philippine Statistics Authority ang death certificate ni Crisologo, para maberipika ang petsa ng pagkamatay nito.
