CAMARINES NORTE -Pumanaw na nitong Biyernes ng gabi, Enero 6, sa isang ospital sa Manila si Daet Bishop Emeritus Benjamin J. Almoneda sa edad na 92 at sa mismong araw pa man din ng kaniyang ika- 33 taong anibersaryo ng ordinasyon bilang Obispo.
Ito ang inanunsiyo ng Diocese of Daet sa social media post pero hindi muna nagbigay ng iba pang detalye.
Magpapalabas na lamang umano ng karagdagang impormasyon ang Diocese sa mga susunod na oras.
“With deep sorrow we inform you that the Bishop Emeritus of Daet, Benjamin J. Almoneda D.D., passed away tonight. Today is his 33rd Episcopal Anniversary. Further information will be provided as soon as possible.” We unite our prayers for his soul,” sabi sa pahayag.
Si Bishop Almoneda ay ipinanganak noong April 11, 1930 at naordinahang pari noong March 22, 1958 para sa Archdiocese of Caceres.
Dekada 80 ay nagsilbi rin itong Rector ng Pontificio Collegio Filippino sa Roma.
Noong December 19, 1989 ay na- appoint bilang Auxiliary Bishop of Daet at inordinahan bilang Obispo ni St. Pope John Paul II noong January 6, 1990.
June 7, 1991 ay na- appoint bilang Obispo ng Daet at nagretiro noong April 4, 2007 matapos tanggapin ang kaniyang resignation pagsapit ng mandatory age of retirement ni Pope Benedict XVI.
Ang huling pagkakataon na nagmisa ang yumaong Obispo sa Holy Trinity Cathedral ditto sa Daet ay noong 2018 sa “Chrism Mass” sa panahon na “sede vacante” ang Daet.
Dumalo rin ito sa installation at canonical possession noong 2019 ng kasalukuyang Obispo ng Daet na si Bishop Rex Andrew Alarcon.
