KORONADAL CITY — NANINIWALA si Bishop Cerilo Casicas ng Diocese of Marbel na pakikinggan ni South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo, Jr ang apela ng karamihan na i-veto ang ordinansang ipinasa ng Sangguniang Panlalawigan o SP na na nag-aamyenda sa Environmental Code ng South Cotabato partikular na sa pag-aalis ng ban sa open-pit mining method.
Sa isang press conference, inihayag ng obispo na kung hindi man pinakinggan ng mga miyembro ng SP ang hinaing ng karamihan, umaasa ito na pakikinggan ni Tamayo ang kanilang apela na i-veto ang nabanggit na ordinansa.
Inilarawan naman ni Bishop Casicas bilang pinaka-malungkot ang araw na ipinasa ng SP ang nasabing ordinansa sa kabila ng mga signature campaign kontra sa open pit mining.
Sa ngayon, nag-apela ito sa gobernador na pakinggan ang boses ng karamihan at i-veto ang ordinansa. Apela din nito sa SP na huwag nang i-overide ang veto ng gobernador sakaling pakikinggan ng opisyal ang kanilang hinaing at panalangin.
