CAMARINES NORTE – Nagpaalala ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa mga kumandidato sa katatapos lang na May 9, 2022 National and Local Elections na asikasuhin ang kanilang obligasyon sa ahensiya nanalo man o natalo.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Assistant Revenue District Officer Daisy De Leon na kailangang mag close ang mga ito ng registration bilang political candidate upang malinis ang kanilang record.
Paliwanag ni De Leon mayroon nang nangyari na tumakbo ulit nitong nakaraang eleksyon pero nasilip sa record ng BIR na may dating registration pala bilang political candidate na hindi nasarhan ng pormal kaya pinatawan ng penalty.
Kaya ganito na lamang aniya kasigasig ang ahensiya sa pagpapaalala para maiwasan ang multa.
“Since naka- register kayo sa BIR, kailangan pong mag close din kayo ng registration sa BIR para malinis yung record natin, so ano yung gagawin, so diba may 1905 tayo na form, 1905 and then yung ma -fill up po tayo and then yung pag submit ninyo ng SOCE sa Comelec di ba kukumpyutan natin yun ng withholding tax para mabayaran natin and then proceed kayo dito sa BIR para po ma close ang registration ganun lang naman po kasimple kung wala tayong ibang bayarin,” ani De leon.
Samantala, bukas rin umano ang opisina ng BIR sa pag assist sa mga kandidato sa paghahain ng kanilang statement of contribution and expenditures o SOCE.
Ang deadline ng pagsusumite ay sa June 8 alinsunod sa Section 14 ng Republic Act 7166 o Omninus Election Code.
Kapag hindi nakapaghain hanggang sa nabangghit na petsa ay pagmumultahin ang kandidato.
Ang nanalong kandidato ay hindi maaaring mag- assume ng office hangga’t hindi nakakapaghain ng SOCE.
Paalala naman ni de Leon hinggil sa mga campaign donation na subject ito sa donor’s tax sa bahagi ng nag donate.
Magiging income naman ito ng kandidato kaya kailangan siyang magbayad ng income tax.
Hindi subject sa income tax ang kita na mas mababa sa P250, 000.
