CAMARINES NORTE- Sinalubong ng pagtaas sa singil sa kuryente ang mga kunsomidores ng Camarines Norte Electric Cooperative ngayong Abril.
Ayon sa Canoreco tumaas ang billing rates sa March 2022 billing na babayaran ngayong buwan.
Ang residential rate ay Php11.7619 per kWh na kumpara sa Php11.4477 per kWh noong nakaraang February 2022 billing.
Ang low voltage rate ay Php10.8083 per kWh at ang high voltage rate naman ay Php9.0720 per kWh o nagkaroon ng pagtaas na nasa Php0.3142 per kWh.
Paliwanag ng naturang kooperatiba ng kuryente na ang pagtaas na ito ay bunsod ng pagtaas ng Blended Generation Charge ng Php0.3016 per kWh bilang resulta ng makabuluhang pagtaas ng halaga ng gasolina mula sa Therma Luzon, Inc. (TLI) para sa supply month ng February 2022.
Bahagyang tumaas din ang Transmission Charge ng Php0.0022 per kWh dahil sa mas mataas na Ancillary Service Charge sa billing mula National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).
Tumaas rin ang System Loss Charge ng Php0.0347 per kWh at ang Senior Citizen Discount ng Php0.0001 per kWh.
Sa kabilang dako, bahagyang bumaba naman ang Lifeline Subsidy, Generation Rate Adjustment Mechanism (GRAM)/Incremental Currency Exchange Rate Adjustment (ICERA) at ang Value Added Tax (VAT) Charges na may kabuuang Php0.0244 per kWh.
Nagbabago ang Generation Charge kada buwan dahil apektado ito ng WESM prices, power plants dispatch, fuel prices, forex rates at seasons kung kailan binili ang kuryente.
Ang monthly billing rates, mapababa man o mapataas, lahat ng ito ay aprubado ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Ang ilan sa mga components ng billing ay pass-on charges lamang at inireremit ng Canoreco buwan-buwan sa TLI at sa WESM, sa transmission utility na NGCP, at sa government corporations/agencies gaya ng Power Sector Assets and Liabilities Management (PSALM) Corporation at Bureau of Internal Revenue (BIR).
