LEGAZPI CITY – Inihayag ng Philippine Statistics Authority (PSA) Bicol na hindi pa kabilang o hindi pa nababanggit ang rehiyon sa may pinakamataas na inflation rate sa buong bansa.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Conny Baleda, statistical specialist II ng nasabing tanggapan, sinabi niyang ang rehiyon ay nasa kalagitnaan ng ranking pagdating sa inflation rate at hindi pa maituturing na mataas o nasa pinakamataas.
Batay sa inilatag na datos, tumaas sa 7.2% ang inflation rate nito noong Oktubre mula sa 6.6% noong Setyembre.
Bagama’t tumaas ito noong nakaraang buwan, hindi pa naman umano ito maibibilang sa mataas na porsyento ng inflation rate.
Idinagdag pa nito na ang mga salik o items na pinakanakaapekto sa pagtaas ng inflation rate sa rehiyon ay ang food and non-alcoholic beverages, restaurants and accommodation services.
Kabila nito’y hindi naman sinabi ni Baleda ang mga hakbang o mga polisiya upang mapababa ang inflation rate ng rehiyon dahil ang trabaho lamang umano nila ay ang imonitor ito.