LEGAZPI CITY – Target ng Department of Health (DOH) at ng World Health Organization (WHO) na maideklara na bilang Malaria-free ang buong bansa sa loob ng hindi na tataas pa sa pito hanggang walong taon ayon sa DOH Bicol.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay Jobal Bachiller, development management officer III ng ahensya, inihayag nitong nasa crucial year ang bansa partikular na ang Bicol region sa pagdi-deklara nito.
Aniya, kapag napaagang maideklara rito ang Camarines Norte ay magiging malaria-free na rin ang buong rehiyon.
Dahil dito, mayroon pa rin umanong mga gawain at datos na kinakailangang maipakita ang rehiyon maging ang buong bansa sa WHO.
Samantala, inihayag din ni Bachiller na ang karaniwang mga indibidwal na nagkakaroon ng malaria ay ang mga OFW partikular na ang mga sea farer.
Mabuti naman umano na nababantayan ang sinumang nagpopositibo sa malaria kung saan agad itong nachi-check, nakukunan ng dugo, at iba pa.