CAMARINES NORTE- Hindi pa man idenedeklara ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o Pagasa ang panahon ng tag- init ay unti- unti na itong nararamdaman ngayon.
Kaugnay nito ay muling nagpaalala ang Bureau of Fire Protection sa publiko para makaiwas sa sunog ngayong papasok na ang panahon ng tag- init.
Ayon kay Fire Inspector Socorro Tabaniag, Municipal Fire Marshal ng bayan ng Basud, ramdam na umano ngayon ang mainit na panahon lalo na pagpasok ng buwan ng Abril at Mayo.
Pero hindi lang aniya sa panahong ito maigting ang kanilang kampanya para makaiwas sa sunog.
Ani Tabaniag, buong taon dapat ang fire prevention dahil kahit hindi panahon ng tag init ay may nangyayaring sunog.
Paalala ng opisyal sa publiko na maging observant at hindi lang ang security concern ang pagtuunan ng pansin.
At dahil papalapit ang eleksyon marami ang umaalis ng bahay para lumahok sa kampanya kaya naman importante umano na gawin ang mga kinakailangang pag- iingat.
Bago umalis ng bahay ay siguraduhing alisin sa pagkakasaksak ang mga appliances.
Dapat ding alamin ang hotline numbers ng pinakamalapit na fire station upang agad na makatawag kung may sunog.
Batay sa datos ng BFP nakapagtala ang naturang bayan ng apat na insidente ng sunog noong 2021 na nangyari sa buwan ng Hulyo at Setyembre.
Kaparehong bilang din ang naitala noong 2020 nangyari sa buwan ng Abril, Mayo, Hulyo at Nobyembre.
Tuwing buwan ng Marso ay inoobserva ang Fire Prevention Month.
Kaugnay nito ay tuloy- tuloy din ang mga aktibidad na may kinalaman dito tulad ng information dissemination campaign at pagbibigay ng lecture.
