Kinumpirma na ng kampo ni President-elect Bongbong Marcos na napili na nitong manumpa bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas sa makasaysayang National Museum.
Matatandaang nagkaroon ng mahabang diskusyon kung saan ito pormal na magkakaroon ng inagurasyon at kabilang sa mga ikinunsidera ay ang Quirino Grandstand dahil dito rin nanumpa ang kanyang ama na si dating pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Ayon kay incoming Presidential Management Staff secretary Zenaida Angping, bagamat gusto ni Marcos na idaos ang panunumpa nito sa Quirino Grandstand, naroroon pa rin ang ilang mga pasilidad para sa isolation at sa testing para sa COVID-19 testing.
Ayaw daw nilang mahinto ang mga programa rito kaya napiling isagawa ang inauguration sa National Museum.
Matatandaang ang makasaysayang gusali na ito ay dati na ring Old Legislative Building kung saan nanumpa sina dating pangulong Manuel L. Quezon noong 1935; dating pangulong Jose P. Laurel noong 1943; at dating pangulong Manuel Roxas noong 1946.
Nakatakdang manupa si Bongbong Marcos sa ika-30 ng Hunyo.
#