Hindi pa natatanggap ng kampo ni presumptive president Bongbong Marcos ang opisyal na kopya ng petisyong inihain laban sa kanya sa Korte Suprema.
Matatandaang inaakyat na sa Katataastaasang Hukuman ang petisyon laban sa kandidatura ni Marcos na layong ipatigil ang canvassing ng mga boto at ihinto ang kanyang proklamasyon sa Malakanyang.
Sa pulong balitaan, sinabi ni Atty. Vic Rodriguez na wala pa sa kanilang opisina ang kopya ng petisyong inihain ng grupo nina dating Supreme Court spokesperson Atty. Theodore Te.
Sa kabila nito, naniniwala si Rodriguez na nakapagsalita na ang taumbayan at patunay lamang ang boto ng mayorya sa tambalan nina BBM at Mayor Sara Duterte.

Sa ngayon, hindi pa rin naisasapinal ang lugar kung saan manunumpa si Marcos.
Pinag-isipan umanong idaos ito sa Quirino Grandstand ngunit mayroon pa ring nakalatag na quarantine facility dito sa ngayon.
Dahil diyan, hihintayin na lamang ng kampo ni Marcos ang pinal na proklamasyon mula sa Kongreso na magsisilbing National Board of Canvassers para sa presidential at vice presidential race.
Samantala, bagamat tuloy pa rin sa pag-deny ang kampo ni Marcos sa listahan ng gabinete nito, kinumpirma nito ang paghikayat nila kina dating labor secretary Bienvenido Laguesma para bumalik bilang kalihim ng Department of Labor and Employment; habang ang dating labor undersecretary, at OFW advocate na si Toots Ople ang itatalaga sa bagong tatag na Department of Migrant Workers.
#