CAMARINES NORTE – Nilinaw ni Mayor Adrian Davoco na hindi talaga kasama ang mga Barangay Tanod sa nabigyan ng hazard pay na nanggaling sa Department of Health (DOH).
Sa gitna ito ng pag aalburuto ng ilang mga Barangay Tanod sa naturang bayan matapos na hindi umano makatanggap ng hazard pay kahit pa aktibo rin namang nagtatrabaho lalo na sa paglaban sa COVID- 19.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet, ipinaliwang ni Davoco na ang ibinigay na hazard pay ay para lang talaga sa mga Barangay Health Workers (BHW) at Barangay Nutrition Scholar (BNS).
Isinabay umano ito sa pag- release ng Special Risk Allowance (SRA) ng mga healthworkers na namamahala sa COVID patients.
Paliwanag ng Alkalde na bagamat ang mga Local Government Units (LGUs) ang namahagi ng naturang allowance alinsunod sa Memorandum of Agreement sa National Government ay sa DOH pa rin aniya nanggaling ang pondo.
Hiningan lang umano ang LGU ng means of verification (MOV) at pagbaba ng pera ay may kaniya- kaniya na itong payroll.
“Actually kami ang direktang nag distribute kaya po kami nag sign ng MOA with the DOH para hindi na sila magbaba ng tao dito para mag distribute, kami na po yung magdidistribute,” ani Davoco.
“However yung identification, determination kung magkano yung makukuha ng isang tao, naka lodge po yung responsibility nayyun sa DOH, kami po ay magbibigay lang ng mga MOVs which is the DTRs na yun naman po ay pinirmahan din ng ating mga BHW at saka BNS.”
Base aniya sa pag uusap ng DOH at LGU ang mga BHW at BNS lang talaga ang mayroon nito kasabay ng SRA ng mga nurses at midwives.
“Hindi naman talaga namin siya inaasahan, its just so happen na nagkaroon sila ng program na ganyan at agad po tayong nagbigay ng mga MOVs para po maibigay sa mga target beneficiaries po ng DOH so hindi po natin talaga alam kung meron pa hong susunod yan.”
Noong isang taon pa umano ito inayos at ngayong buwan lang lumabas at hindi rin pare- pareho ang tinanggap.

