Barangay tanod at kasama, patay matapos pagsasaksakin ng nag-aamok na lalaki sa Batangas City

Patay ang isang rumespondeng barangay tanod at isang kasama nito matapos na pagsasaksakin ng lalaking nag-aamok sa Purok Uno, Brgy. Bilogo, Batangas City, dakong 8:40 ng gabi noong Linggo, Disyembre 11.

Kinilala ang biktima na sina Ruben Alo Torino, 52 anyos, chief tanod at Robinson Alo Torino, 50, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.

Sa aking panayam sa imbestigador na si Sgt. Jay-r Olave ng Batangas City Police Station investigation section, rumesponde umano ang mga biktima sa area matapos matanggap ang report kaugnay sa pag-aamok ng suspek na si Reinaldo Camansag Barangas, 48 anyos.

Read More:  Canlaon artisans adapt to calamities with limited materials, volcanic ash crafts

Bitbit ang patalim ay sinugod umano ng suspek ang kapatid ng kanyang kinakasama o live-in partner at gusto nitong patayin dahil sa hindi nila pagkakaintindihan.

Matapos makarating sa area ay sinubukan umanong awatin ng tanod na si Ruben kasama si Robinson ang suspek ngunit nagmatigas ito hanggang sa ang dalawang biktima ang kanyang napag-initan at pinagsasaksak ang mga ito.

Nagtamo ng sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dalawang biktima.

Nagawa pa umanong makapagpaputok ng baril ang tanod na si Torino laban sa suspek ngunit hindi pa nakumpirma ng mga kapulisan kung tinamaan ito.

Read More:  CCTV captures computer shop robbery in Talisay City

Agad na dinala sa Jesus of Nazareth Hospital sa Brgy. Gulod Itaas, Batangas City ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Nakatakas naman ang suspek at kumaripas ng takbo patungong Brgy. Paharang East na direksyon bitbit ang ginamit na patalim.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang kalibre .9MM na pistola at isang basyo nito.

Pinaghahanap na ng mga awtoridad ang nakatakas na suspek.