Pinabulaanan ni Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na parte siya ng tinatawag na “Fujian Gang’ o Fujianese organized crime na tumutukoy sa mga sindikatong sangkot sa krimen na tila kapareho ng triad gangs.
Ito ay matapos ang pagkwestyon sa kanya ni Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, Chairperson Senadora Risa Hontiveros tungkol sa ugnayan niya sa mga kapwa incorporators niya sa Baofu Land Development, Incorporated.
Anya, wala umano siyang kaalam-alam na taga-Fujian ang mga ito dahil sa pagkakaalala niya si Huang Zhiyang lang ang taga-Fujian habang ang ilan dito ay taga-Xiamen.
Maalala, una nang isiniwalat ni Hontiveros na sangkot sa pinakamalaking laundering case sa Singapore ang kasama ni Guo na si Zhang Ruijin.
Samantala, kinumpirma naman ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na subject sa manhunt si Huang Zhiyang na siyang tanging kausap ni Guo sa pamamalakad sa Baofu.