SORSOGON CITY – Narekober ng mga sundalo ng 22nd Infantry Battalion at personahe ng Sorsogon Police Provincial Office katuwang ang iba pang Intelligence units ng Army at PNP ang ilang ‘war materials’na pinaghihinalaang pag-aari ng rebeldeng grupong New People’s Army sa bayan ng Juban, Sorsogon.
Kabilang sa mga narekober ang dalawang anti-personnel mine, anti-tank mine, 8 improvised hand grenade, tatlong piston na may blasting caps, 50-metrong wire, switch para sa anti-personnel mine, handcuff, tatlong boteng anti-personnel mine components at mga subersibong dokumentos.
Ayon sa ulat, isang impormasyon ang natanggap ng mga awtoridad tungkol sa nasabing mga armas na nakabaon sa isang pribadong lote sa Brgy Maalo ng nasabing bayan.
Pinasalamatan naman ng commander ng 22nd Infantry Battalion na si LtCol Nelson Mico ang naghatid sa kanila ng naturang impormasyon na nagresulta sa pagkadiskubre sa mga armas.
Aniya pa, ang mga pampasabog at dokumentos ay malaking kawalan sa rebeldeng grupo.
