LEGAZPI CITY – Pinanindigan ng Albay Public Safety and Management Office (APSEMO) ang desisyon nitong pauwiiin na ang mga inilikas na pamilya mula sa 6 kilometers permanent danger ng Bulkang Mayon.
Ito ay sa kabila ng pahayag ni PHIVOLCS Resident Volcanologist Dr. Paul Alanis na hindi nila inirekomenda ang pagpapasok sa nasabing PDZ dahil sa panganib ng bulkan.
Sa panayam ng Brigada News FM Legazpi kay APSEMO Chief Dr. Cedric Daep, sinabi niya na tatlong scenario kasi ang kanilang tinignan sa eruption: una ay ang tulad sa Mt. Pinatupo eruption; pangalawa ay ang 1984 at 1993 Mayon eruption na bumubulusok ang abo mula sa tuktok pababa sa PDZ – ang scenarios na ito ay hindi naman umano tumutugma sa kasalukuyang sitwasyon ng bulkan, bagkus ito ay tumutugma sa pangatlong scenario na lava lamang ang lumalabas.
Ayon kay Daep, ang sinasabi ng PHIVOLCS na binabantayang pyroclastic density currents o uson ng bulkan ay dumadaloy lamang sa gullies nito at hindi sa kalupaan na mayroong sakahan o mga kabahayan.
Ito umano ang naging basehan nila sa inilabas na decampment advisory noong Oktubre 5.
Aniya, kung hindi pa magpapasya ang PDRRMC, kawawa naman ang mga pamilyang kaytagal nang naninirahan sa mga evacuation centers.
Dagdag pa niya, ang mga nakatira sa nasabing PDZ ay maaari pa rin namang magpatuloy sa kanilang kabuhayan basta’t huwag na huwag pupunta sa mga ilog na dinaraanan ng uson.