LEGAZPI – Binigyan ng 15 days extension ng Albay Power and Energy Corporation o APEC ang pagbabayad ng kuryente ng mga konsumers na nakakonekta sa Barangay Power Association o BAPA sa probinsya ng Albay.
Sa pinalabas na abiso ng APEC, ito ang tugon sa pakiusap ng mga matataas na opisyal ng nasabing lalawigan maging ang mga opisyal ng BAPA.
Kung dati rati, kailangan agad magbayad ng kuryente kapag natanggap ang due date, sa bagong polisiya, bibigyan ang mga ito ng 15 araw para mabayaran ang nasabing bayarin sa kuryente.
Maliban sa matutulungan nito ang mga residente, malaking bagay din umano ito sa mga opisyal ng BAPA dahil magkakaroon sila ng panahon para maningil.
Aminado kasi ito na kulang umano ang panahon nila sa pagbibigay impormasyon sa mga nasasakupan.
Samantala, paalala naman ng APEC, magbayad sa tamang oras o buwanang pagbayad upang maiwasan na maputulan ng kuryente.