Isinusulong ng mga miyembro ng Quad Committee sa Kamara ang panukalang batas na layong ma-institutionalize ang pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.
Batay sa House Bill 10987 o ang Anti-Offshore Gaming Operations Act, ipagbabawal ang lahat ng uri ng offshore gaming sa bansa at magpapataw ng mabigat na parusa.
Binanggit ng mga may-akda ang mapanganib na aktibidad na iniuugnay sa POGO hubs na naging self-contained areas upang pagtakpan ang heinous crimes.
Kabilang na rito ang kidnapping, illegal detention, human trafficking, prostitusyon at torture.
Binibigyang-diin ng panukala ang lumalalang security concerns lalo’t iniulat ng Department of National Defense na ang ilang POGO hubs ay ginagamit ng international criminal syndicates.
Nakapaloob sa panukalang batas na ang sinumang lalabag ay maaaring mabilanggo ng hanggang sampung taon at multang aabot sa sampung milyong piso.
Agad ding ipapa-deport ang mga dayuhan na empleyado ng POGO habang ang mga opisyal ng gobyerno na sangkot sa facilitation ng operasyon ay matatanggal sa serbisyo at babawiin ang mga benepisyo.