BNFM BICOL—NANINIWALA si House Committee Means and Ways Chairman at Albay 2nd District Representative – Joey Salceda, na panahon na para magkaroon at magtatag ng ahensya ng pamahalaan na tututok sa “disaster response” o pag responde sa tuwing sinasalanta ng kalamidad ang bansa.
Ayon sa Bicolanong Kongresista, mahalaga umanong magkaroon ng “implementing agency” ang disaster response na magbibigay tugon sa mas malalim na pangangailangan, mas mahusay na plano, pangangasiwa at kasanayan sa pag responde sa mga panahon ng sakuna.
Pagbibigay diin ng mambabatas, kinakailangan aniyang magkaroon ng “implementing agency” ang bansa na tutugon sa “exogenous resources” at “continuing capacity”, – mga bagay na hindi umano kayang i-implementa ng NDRRMC dahil hindi naman ito “implementing agency.”
Matatandaang dati nang isinulong ni Salceda sa 18th Congress ang House Bill 5989 na naglalayong magtatag ng Department of Disaster Response.
Nakapasa ito sa third reading ngunit hindi naaprubahan pagdating sa Senate hearing.
Muling binuksan ng mambabatas ang naturang usapin, matapos ang trahedyang sinapit ng limang mga rescuers sa Bulacan, na nasawi sa kalagitnaan ng pagtupad sakanilang tungkulin habang nananalasa ang bagyong Karding.###