Nasa humigit-kumulang 50 na ang naitatalang kaso ng sakit na dengue sa buong lalawigan ng Albay ayon sa Albay Provincial Health Office (PHO).
Ayon kay Dr. Nathaniel Rempillo, ang head ng tanggapan, hindi pa umano masasabing dumarami na ang kaso nito sa lalawigan, dahil halos iilan pa lamang na mga bayan ang mayroong kaso ng nasabing sakit, kung saan tanging ang Rapu-Rapu ang may pinakamaraming naitalang kaso nito.
Samantala, dahil na rin sa pagkakaroon ng mga kaso ng dengue sa ilang mga bayan ay kinakailangan na umanong mas lalong paigtingin ng mga LGU at mga barangay ang information drive campaign.
Magsasagawa pa rin ang mga ito ng pagva-validate sa mga barangay upang malaman kung tumataas o bumababa ang kaso ng dengue sa lugar. Sinabi pa ng opisyal, sa oras na tumaas ang kaso ng nito ay babalikan ng PHO ang mga lugar upang magsagawa ulit ng misting at clean-up drive upang mawala na ang mga lamok na nagdadala ng dengue.