Napatay sa isang drone strike ng CIA sa Afghanistan ang pinuno ng Al Qaeda na si Ayman al-Zawahiri.
Kinumpirma ito ng isang US official na maituturing umanong pinakamalaking dagok sa teroristang grupo mula nang mapatay ang founder nitong si Osama bin Laden noong 2011.
Si Zawahiri na isang Egyptian na doktor at surgeon, ay tumulong para maisagawa ang mga pag-atake noong Setyembre 11, 2001, kung saan ang apat na eroplano ang na-hijack at binangga ang twin tower ng World Trade Center sa New York, ang Pentagon malapit sa Washington at isang field sa Pennsylvania, na ikinamatay ng halos 3,000 mga tao.
Ayon sa opisyal ng US, na tumangging magpakilala, ang drone strike ay isinagawa ng CIA sa kabisera ng Afghanistan sa Kabul noong Linggo.
Naging matagumpay umano ang operasyon at walang sibilyan na nasawi.
