BICOL—Idinistansya ni Ako Bicol Congressman Zaldy Co ang Sunwest Corporation sa issue ng Pharmally Pharmaceutical Corporation na ngayon ay nahaharap sa kontrobersiya dahil sa umano’y overpricing sa mga medical equipment.
Sa pahayag ng kongresista na siyang founder ng Sunwest, binigyang-diin nito na hindi kabilang sa inaakusahan ang kumpanya at tanging ang Pharmally ang iniimbestigahan.
Ayon pa dito, sa lungsod ng Legazpi lang naman ginagawan ng issue at kinakaladkad ang pangalan ng kumpanya sa nasabing iskandalo.
Kaugnay nito, naniniwala ang kongresista na walang overpricing sa Pharmally at pinalitaw lamang umano ang issue in-aid of election.
Pagbibigay-diin pa nito, kun tutuusin, kalahati ng presyo ng na-bid na mga medical equipment sa nakaraang administrasyon na wala pang pandemya ang presyo ng na-bid sa Pharmally ngayong may pandemya na.
Kung mayroon umanong issue ng overpricing, dapat nagsabi na ang Commission on Audit (COA).
Magugunita na napangalanan ang Sunwest Coporation bilang isa sa mga kumpanyang kinausap ng Department of Budget and Management (DBM) upang magsupply ng medical equipment.
Inalmahan ito ng ilang senador kabilang na si Senator Imee Marcos na tinawag nitong “strange” choice of firms dahil isang construction company ang Sunwest, paano umano ito magsusupply ng medical equipment.
Samantala, pinuri naman ni Congressman Co ang Duterte administration sa pagkakatapos na ng konstruksyon ng Bicol International Airport na ayon sa kanya personal nilang inilapit sa pangulo nang makaupo ito sa pwesto.
Sa nagdaang administrasyon kasi umano, hindi natutuloy ang proyekto dahil laging nawawala ang pondong inilalaan para rito dahil inirerealign sa ibang mas prayoridad na programa.### || slm with reports from BNFM Legazpi