Tumaob ang isang cargo vessel sa karagatang sakop ng Ormoc City, Leyte dahil sa malakas na alon at hangin na dulot ng Tropical Storm Agaton.
Ayon sa Philippine Coast Guard sa Ormoc, ang M/V Celsa 2 ay paalis sana ng Cebu City nang tumaob ang 395.53 tonnage vessel, na pagmamay-ari ng Navigs Shipping Corp. sa Cebu.
Hindi naman sinabi ng PCG kung ilang crew members ang lulan sa vessel.
Samantala, may isa namang passenger vessel ang lumubog sa Consuelo Port sa Camotes Island sa Cebu province, habang nakadaong ito sa pier, kahapon.

Sinabi ni Capt. Alvin Dagalea, station commander ng Philippine Coast Guard (PCG) Cebu Station, na ang MV Mika Mari 1 ng Jomalia Shipping Lines, ay lumubog dahil sa malalakas na alon at hangin dulot rin ng naturang bagyo, at maswerteng naabandona ng 14 crew members ang barko bago ito tuluyang lumubog.