LEGAZPI CITY – Hinikayat ng lokal na pamahalaan ng bayan ng Camalig ang kanilang mga residente na ugaliing itapon ang kani-kanilang mga basura sa tamang tapunan o lugar.
Ito ay dahil sa nalaman nilang mayroon pa ring mga residente sa mga baranggay na hanggang ngayon ay pare-parehong patago at halatang nagsasagawa ng hindi tamang pagtatapon ng mga basura.
Ito ay malinaw na paglabag sa Municipal Ordinance 2012-02 alinsunod sa RA 9003 o kilala bilang “Ecological Solid Waste Management Act” na nag-uutos sa pagpapatupad ng maayos at napapanatiling solid waste management.
Sinisuguro ngayon ng LGU ng nasabing bayan na ang sinumang mahuling lalabag sa ordinansa ay pagmumultahin ng P1,000 hanggang P3,000 o pagkakulong para sa mga susunod na paglabag.
Ang nasabing maling gawain ay sumasalungat din sa adbokasiya ng lokal na pamahalaan sa pagpapanatili ng malinis, maayos, at ligtas na kapaligiran para sa lahat.
Pinapayuhan ang publiko na iulat ang mga paglabag sa Municipal Environment & Natural Resources Office (MENRO) o sa kanilang barangay.