CAMARINES NORTE- Inihayag ng Civil Service Commission (CSC) na plano nitong magsagawa ng forum na lalahukan ng iba’t- ibang ahensiya ng gobyerno sa mga susunod na buwan.
Ayon kay Camarines Norte CSC Acting Director II Atty. Alicia Salinas posibleng gawin ito sa Agosto o sa Setyembre.
Huling nagsagawa ng ganitong programa na tinawag na Kapihan sa Cam Norte Alay ng CSC noong Abril na dinaluhan ng mga kinatawan iba’t- ibang Local Government Unit at National Government Agency partikular ang kanilang mga human resource personnel.
Sa pamamagitan ng mga ganitong forum ay nagkakaroon ng pagkakataon ang mga stakeholders na magtanong sa mga opisyal ng CSC tungkol sa mga bagay na may kinalaman sa pagpapatakbo ng kanilang opisina.
Sa darating namang Hulyo 27 ay magkakaroon ng town hall meeting pero gagawin ito online via facebook page ng CSC Regional Office V.
Sa ngayon ay nag iipon ang iba’t- ibang field offices sa rehiyon ng mga katanungan na sasagutin naman ng Regional Director at Assistant Regional Director ng CSC.
Samantala, hinimok naman ni Salinas ang mga empleado at Human Resource personnel na maapektuhan ng devolution dahil sa Mandanas law na basahin ang CSC Memorandum Circular series of 2022.
Nakapaloob dito ang mga guidelines at options na maaring gawin ng apektadong empleado.
