CAMARINES NORTE- Nagpaliwanag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) hinggil sa hindi pa rin masolusyunang pagbaha sa bahagi ng Vinzons Avenue partikular sa malapit sa SM City Daet.
Kasunod yan ng perwisyong idinulot ng malakas na pag ulan noong nakatalikod na linggo na sa loob lang halos ng isang oras ay nagdulot ng matinding pagbaha.
Sa text message sa Brigada News FM Daet ipinaliwanag ni District Engineer Edwin Bermal ang mga dahilan kung bakit laging binabaha ang nabanggit na lugar.
Hindi pa raw kasi natatapos ang On-going Drainage System dahil sa mga hindi pa mai- relocate na poste ng Camarines Norte Electric Cooperative at mga Telco na nakapaloob sa alignment ng proposed canal kaya hindi pa ito maideretso sa draining point.
Dapat din umanong may sariling canal ang SM City Daet para ang kanilang discharge o run- off kapag malakas ang ulan ay hindi mapunta sa national road.
Ayon pa kay Bermal mapupunta talaga sa national road ang tubig dahil sa tabi nito ay mayroong nag fil- up na mas mataas.
Isa pa umano sa contributory factor sa pagbabaha ay dahil pinayagan na magkaroon ng mga maliliit na negosyo sa tabi ng national road at ang walang pakundangang pagtapon ng basura.
Ang mga itinatapong basura umano tulad ng plastic materials maging ang mga ginamit na face mask ay nagdudulot ng pagbabara sa daanan ng tubig.
Aniya, ang problema sa hindi maayos na pagtatapon ng basura ay problema hindi lang sa Daet kundi maging sa ibang lugar kaya kailangan umano ang disiplina at kooperasyon ng bawat isa para maiwasan ang matinding problema sa pagbabaha.
