KORONADAL CITY- BINUKSAN na sa Sultan Kudarat ang pinakaunang Model Bahay Pag-asa sa Soccsksargen region na magsisilbing temporary shelter ng mga children at-risk at children in conflict with the law o CICL.
Ang dalawang palapag na gusali ng Bahay Pag-asa na ipinatayo sa Barangay Calean, Tacurong City ay may kapasidad na 15 hanggang 25 mga kliyente.
Napag-alaman na ito ay pinondohan ng P 5 million ng Juvenile Justice and Welfare Council (JJWC) at dagdag na P 5 million mula sa city government ng Tacurong.
Ang turn-over ng naturang pasilidad ay pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development o DSWD 12 regional director Restituto Macuto.
Ito na ang ikalimang Bahay Pag-asa na inagurahan sa rehiyon 12 ngunit ito ang pinakaunang pasilidad na naipatayo batay sa standard at guidelines ng JJWC at DSWD.
Kabilang sa mga mayroong Bahay Pag-asa ang General Santos City, Surallah at Koronadal City sa South Cotabato at Misayap sa North Cotabato.
