Hindi umano malayong muling umakyat sa mahigit 600 ang maitatang bagong kaso ng covid-19 kada araw sa bansa kung magiging pabaya ang publiko.
Ito ay sa gitna na rin ng patuloy na pagluluwag at kaliwa’t kanang mga aktibidad na may kinalaman sa eleksyon.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa mga projection o pagtaya, posibleng umabot ng 670 ang national daily cases na maitatala sa katapusan ng Abril kung mababawasan ang compliance o pagsunod ng publiko sa minimum public health standards.
Kung mapananatili naman aniya ang pagsunod ng publiko sa mga patakaran kaugnay ng pag-iingat sa hawaan ng covid-19 at patuloy na tataas ang vaccination rate sa bansa, posibleng nasa 70 hanggang 260 ang maitatalang arawang kaso ng virus infection.

Gayunman, nilinaw ni Vergeire na ang kanilang projection ay maaari pang mabago depende sa magiging sitwasyon lalo na kung may bagong papasok na variant ng covid-19.