CAMARINES NORTE- Tiniyak ng Provincial Health Office (PHO) na pinaghahandaan nito ang hinggil sa posibilidad na tuluyan nang makapasok ang Omicron COVID- 19 variant sa Camarines Norte matapos makapagtala ng kaso sa karatig lalawigan ng Camarines Sur.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na kabilang sa ginawang paghahanda ay ang hospital beds sa Camarines Norte Provincial Hospital (CNPH) at ang pagkakaroon ng sapat na suplay ng oxygen.
Ayon kay Francisco, sakaling tumaas muli ang mga kaso ng COVID- 19 sa lalawigan ay ibabalik muli sa pagiging Covid ward ang mga kama na pinapagamit sa mga regular na pasyente.
Nang bumaba kasi ang mga kaso ng naturang sakit sa lalawigan sa huling bahagi ng 2021 ay pinagamit sa mga regular na pasyente ang dating inilaan para sa Covid dahil dumami rin ang mga non -Covid patients na dinadala sa nataurang ospital.
Ginagamit na rin ngayon ang expanded COVID ward sa harapan ng CNPH upang mag- accommodate ng karagdagang pasyente.
Kung maalala itinayo ito sa kasagsagan ng pagtaas ng mga kaso ng sakit noong nakaraang taon pero hindi nagamit.
Ang bawat kwarto ng expanded COVID ward ay mayroong, kama, electric fan, ceiling fan at exhaust fan at mayroon ding kaniya- kaniyang banyo.
Mayroon ding ilalagay na tig- iisang oxygen sa bawat kwarto.
Dadalhin sa expanded covid ward ang mga magpopositibo sa Rapid Antigen test na kailangang i- confine sa ospital.
Simula kahapon ay mayroon nang isang pasyente ang expanded Covid ward at ayon sa isang hospital staff ay inaasahan na nilang madagdagdagn pa ito lalo’t mayroon na ulit tatlong bagong kaso ng COVID- 19 sa lalawigan na iniulat kahapon ng Department of Health pagkatapos ng mahigit isang buwang walang aktibong kaso.
Siniguro rin ni Francisco na sapat ang suplay ng oxygen sa lalawigan dahil nakabili aniya ang probinsiya ng nasa 400 nito.
“Hindi naman nagbabago ang mga hospital bed natin, yung ibang dati na for COVID ay pansamantlaang ibinigay muna natin sa mga regular patients natin kasi dumadami na rin ang mga regular patients natin, but if ever na mag surge uli, tumaas uli ang kaso we will transform into a Covid ward yung mga dating covid ward natin na ngayon ay regular ward,” ani Francisco.
Mahigpit pa rin aniya ang border control sa lalawigan upang masiguro na ang makakapasok ay kumpleto ang dokumento.
“Ganun pa rin ang ating borders ay laging nagbibigay ng examination sa mga parating na kababayan natin lalong lalo na ang walang dalang vaccination card o hindi pa nababakunahan, subject sila sa ating antigen test sa border at the same time may mga requirements, may mga tinatanong doon bago sila papasukin.”
