Umalma ang Department of Health at mistulang pinatulan ang mga nagpapakalat ng balitang nagiging “Zombie” ang isang tao kapag naturukan ng COVID- 19 vaccine.
Sa virtual press briefing nitong Biyernes, sinagot ni DOH Bicol COVID- 19 Program Coordinator Dr. Lulu Ramos Santiago ang tanong kung totoo ba na nagiging Zombie ang isang tao kapag nabakunahan at nakamamatay ba ito.
Paliwanag ni Santiago, walang datos na nagsasabing nagiging Zombie ang isang tao o nagiging dahilan ng pagkamatay ang bakuna.
Aniya, walang manufacturer sa mundo ang gagawa ng bakuna para patayin ang lahat sa sangkatauhan o gawin itong mga Zombie.
Ginawa umano ang bakuna para protektahan ang mga tao laban sa COVID- 19 at kung tamaan man ng sakit ay hindi ito humantong sa severe o critical symptoms at pagkaka ospital.
“Patungkol po dito sa mga bali- balita na tayo po ay magiging Zombie or pwede pong ikamatay dahil sa pagpapabakuna, wala pong data na ito po ay mangyayari at wala pong sinuman sa mundo o kahit sinong manufacturer po ang gagawa ng bakuna para po naising patayin ang lahat ng sangkatauhan,” ani Santiago.
“Tayo po ay nagbabakuna ng COVID-19 VACCINES para maprotektahan po ang ating sarili, para po tayo ay hindi ma- hospitalized at magkaroon ng severe or critical na symptoms dahil sa COVID- 19.”
Hinimok din nito ang bawat isa na huwag magpapakalat ng maling impormasyon ukol sa bakuna at magtanong sa DOH kung may nais malaman ukol dito.
“Huwag po muna isi- share as ating mga kapamilya kung hindi po nabeberipika ang mga impormasyon na ikakalat, dahil hindi po totoo na pag kayo po ay naturukan ng COVID- 19 vaccine ay magiging Zombie at kung sakali man po halos po simula tayo nung March ng bakunahan almost 7- 8 months na po yung mga naunang bakunahan sa Region ay malulusog naman po sila, naglalakad pa naman po sila, wala pa naman pong nagyayari sa kanila.”
Hinimok din ni Santiago ang mga pwede nangbakunahan na magpabakuna hindi lang para proteksyunan ang sarili kundi ang mga kasama sa bahay at ibang tao lalo na ang mga vulnerable.
Sa datos ng Department of Health nasa 245, 781 na ang natanggap na doses ng Camarines Norte as of October 26.
Sa bilang na ito 76 % ang nakatanggap ng first dose habang 41 % naman ang nakatanggap na ng second dose.