BNFM BICOL—Muling nakapagtala ng mataas na kaso ng COVID-19 ang islang lalawigan ng Catanduanes matapos na madagdagan ng 50 bagong kaso ng sakit ang probinsya kahapon.
Batay sa ulat ng DOH-Bicol, 21 sa mga ito ang naitala sa bayan ng Virac; 11 sa San Andres; tig-apat na kaso ang mga bayan ng Bato, Baras at San Miguel; tig-dalawa ang Pandan at Viga habang tig-isang kaso naman ang Bagamanoc at Gigmoto.
Bunsod nito, pumalo na sa 2,180 ang kabuuang kaso ng sakit sa isla kung saan 479 sa mga ito ang nananatiling aktibong kaso.
Nadagdagan naman ang bilang ng recoveries matapos na maitala ang 21 mga gumaling kahapon kaya nasa 1,696 na ang bilang ng mga nakarekober habang wala namang naidagdag sa bilang ng mga nasawi.
Kaugnay nito, inanunsiyo naman ng Provincial Health Office na nasa 25% na ng population coverage sa Catanduanes ang nakatanggap na ng bakuna kontra COVID-19.
Katumbas ito ng kabuuang 116,457 vaccinated individuals mula sa mahigit 192,000 na target mabakunahan upang maabot ang herd immunity ng probinsya kontra sa nakakamatay na virus.###