Mabibigyan ng Good Agricultural Practices Practitioners certificate ang 13 mula sa 15 na bayan sa Nueva Vizcaya bilang pagkilala sa kanilang pagsuporta sa food safety act ng Department of Agriculture.
Sa nakuhang impormasyon ng 92.9 Brigada News FM Cauayan, bukod sa pagiging GAP practitioners ay producers din ang mga ito ng pesticide residue safe na mga gulay.
Ang 13 na bayan ay kinabibilangan ng Kayapa, Bambang, Dupax del Norte, Dupax del Sur, Kasibu, Solano, Bayombong, Villaverde, Quezon, Diadi, Sta. Fe, Aritao at Ambaguio.
Samantala, kasalukuyan nang binabalangkas ng Sangguniang Panlalawigan ng Nueva Vizcaya ang food safety ordinance 2021 bilang suporta sa isinusulong na food safety act ng DA.
Bukod dito, itinataguyod din nito ang mga patakaran at pamamaraan sa pagpapanatili sa Pesticide Residue Safe Vegetables at Fruits Certificate.
Inihayag naman ni Governor Carlos Padilla na matutulungan ang mga asosasyon ng mga vegetable producers sa probinsya na magkaroon ng mga trainings at equipment upang mapanatiling ligtas ang kanilang produkto sa pamamagitan ng Good Agricultural Practices na isinusulong ng DA.
Inindorso din ng gobernador na mabigyan ng rapid test kits ang mga asosasyon upang matukoy kung ang kanilang mga gulay ay mataas ang pesticide residue bago ibenta sa publiko.