Matapos na maitala ang pinakamataas na single-day coronavirus disease (COVID-19) mula ng pumutok ang pandemiya, inaasahan pa rin na tataas pa ito sa mga susunod na linggo.
Ayon kay Department of Health (DOH) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, dahil madaling maipasa ang Delta variant at active case finding sa mga granular lockdown, maaari umanong magpatuloy ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa mga darating na linggo.
Aniya, sa kabila ng pagdami ng mga infected individuals sa bansa, karamihan naman umano sa mga ito ay nananatili lamang mild at asymptomatic at nasa dalawa hanggang tatlong porsyento lamang ang may severe symptoms o di kaya’y nagiging kritikal.

Nakadepende naman umano ang pagtaas nito sa karagdagang improvement at pagsunod sa mga minimum public health standards, pagpapaikli ng interval ng detection at isolation, pagpapabilis ng vaccine deployment, at mga granular o mangilan-ngilang lockdowns na gaya ng ipinapatupad ngayon.
Samantala, tinutukoy naman bilang “high-risk” category ng DOH ang 12 sa 17 na rehiyon sa bansa na kinabibilangan ng National Capital Region, Calabarzon, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, Northern Mindanao, Ilocos Region, Central Visayas, Davao Region, Western Visayas, Soccsksargen, at Caraga Region.