CAMARINES NORTE- Inihayag ng Provincial Health Office na malaking tulong ang One Hospital Command Center mula nang ilunsad ito sa lalawigan ng Camarines Norte upang maiwasang pagpasapasahan ang mga COVID- 19 patients sa iba’t- ibang ospital.
Sa panayam ng Brigada News FM Daet sinabi ni Acting Provincial Health Officer Dr. Arnel Francisco na sa pamamagitan nito ay alam na agad kung saan maaaring dalhin ang pasyente dahil coordinated na ang iba’t- ibang ospital sa lalawigan mapa pampubliko man o pribado.
Sa pamamagitan kasi ng One Hospital Command Center ay araw- araw na nagbibigay ng update ang iba’t- ibang ospital sa lalawigan hinggil sa kanilang utilization rate kaya’t alam ng bawat isa kung ilan ang occupied at ilan pa ang available.
Kaya naman bago pa man isugod sa ospital ang pasyente ay mayroon nang magbibigay ng instruction kung saan ito maaaring dalhin.
Layon kasi nito na malaman ng bawat pasilidad sa probinsiya kung saan ang mga puno na at mayroon pang available o vacant beds na pwedeng paglagyan ng mga pasyente.
“Malaking tulong po sapagkat wala na akong naririnig na yung mga pasyente natin ay pinagpapasa- pasahan ng mga ibat ibang hospital sapagkat hindi coordinated ang kanilang pagpunta sa ospital, ngayon po bago sila pumunta sa ospital ay mayron nang nag aadvise sa kanila kung saang hospital po sila pupunta sapagkat dun po ang merong mga available beds na kanilang gagamitin, ani Francisco.
“Like for example dito sa Provincial Hospital, sabi ko nga mayron naman kaming bulletin dito going to different RHUs na kung saan dun sa RHU, kapag meron silang nire-refer alam na nila kung ilang piraso ang available bed pa dito sa ating Provincial Hospital.”
Matapos namang iulat ng Department of Health (DOH) noong Lunes na nasa high risk na ang Covid ward beds sa lalawigan, iginiit ni Francisco na sa ngayon ay marami pang available na kama sa mga ospital.

