Naitala ang pinakamataas na bilang ng mga nasawi dahil sa COVID-19 ngayong buwan ng Agosto sa Tuguegarao City simula noong tumama ang pandemic noong nakaraang taon.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, hindi pa natatapos ngayong buwan ng Agosto ay nakapagtala na ng 61 deaths kung saan ito na aniya ang pinakamaraming namatay dahilan upang umakyat na sa 211 ang total fatality sa syudad.
Sa datos mayroong 1,255 na kabuoang aktibong kaso ang Tuguegarao City as of August 22 kung saan apektado na rin ang mga health care workers dahil 150 sa mga ito ang nagpositibo sa COVID-19.
Ayon sa alkalde karamihan sa mga transmission ay sa work places kaya naman nagbaba ang LGU ng bagong protocols.
Kailangang mag-secure ang mga empleyado sa public at private offices ng certification mula sa kanilang head office na sila ay kabilang sa 10% workforce schedule.
Samantala, naitala ng syudad ang 1.91% na fatality rate, 39% na positivity rate at 58.92% na Average Daily Attack Rate (ADAR).
Dahil dito ay pinalawig pa ang Enhanced Community Quarantine sa lunsod hanggang August 28, 2021 umaasa naman si Mayor Soriano na maipapababa nila ang kaso ng COVID-19 cases sa extension ng ECQ status sa Tuguegarao City.