Naglabas na ng pahayag ang kampo ng ni Arjo Atayde matapos isiwalat ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na sinuway ng aktor ang safety protocols matapos nitong umalis mula sa lungsod na walang paalam kahit nagpositibo ito sa COVID-19.
Sa isang pahayag na inilabas sa media ay kinumpirma ni Feelmaking Productions head of production Ellen Criste na nagpositibo si Arjo sa virus noong August 16 habang shinooshoot ang kaniyang bagong pelikula.
Dahil diyan ay nakararanas anya ang aktor ng mataas na lagnat, headaches, at kahirapan sa paghinga na dahilan kung bakit kinailangan nito na lisanin ang Baguio kaagad upang maitakbo siya sa isang ospital sa Manila.

Ipinunto ni Criste na mutual decision ito ng produksyon, mga magulang ni Arjo, at ng mga doktor na maitakbo ang aktor ng diretso sa isang ospital sa Maynila noong August 17 lalo na at meron itong pre-existing medical condition.
Iginiit rin ni Criste na tinulungan ng production team ang siyam na iba pang miyembro ng film crew na nagpositibo sa COVID-19 ngunit asymptomatic at kasalukuyan na rin naka-quarantine ang mga ito ngayon.