Magarbo umano na kasal ng isang kongresista sa gitna ng pandemya, pinuna ng ilang celebrities

Nagpasaring ang ilang celebrities laban kay Drivers United for Mass Progress and Equal Rights (DUMPER) party-list Representative Claudine Diana “Dendee” Bautista, matapos maipost sa social media ang ilan sa mga litrato ng kasal nito kasama ang kaniyang childhood friend at schoolmate na si Jose French “Tracker” Lim.

Naging kontrobersyal ang sinasabing marangyang kasal ng kongresista sa gitna ng pandemya matapos mapagalaman na gawa ng sikat na international designer na si Michael Cinco ang gown na suot nito habang ang celebrity event stylist naman na si Gideon Hermosa ang nagdisenyo sa venue ng kasal.

Sinabi ng aktres na si Agot Isidro na libo-libong pamilya sana ang mapapakain sa pamamagitan ng pera na ginastos ng kongresista para sa gown nito.

Sa post naman ng komedyante na si Pokwang ay sinabi niya, “Ok ano na? ang class ng representative ng mga drivers ha… naka Michael Cinco na wedding gown… edi wow!!!

Inihayag naman ni Ogie Diaz na dapat ay magpakita naman si Bautista ng “resibo” o pruweba ng mga naging accomplishments nito para sa mga drivers sa gitna ng pandemya.

Mababatid na si Bautista ay ang vice chair ng Transportation Committee sa Kongreso, at isa siya sa 70 Kongresista na bumoto para tanggihan ang franchise renewal ng ABS-CBN.

Wala naman direktang sagot ang mambabatas sa mga puna sa kaniya sa social media, ngunit ni-repost nito sa kaniyang personal na Facebook account ang pakikipagtulungan ng Dumper PTDA party-list sa LGU ng Davao para sa vaccination ng PUV drivers.