SORSOGON CITY – Kinumpirma ng Pamahalaang Panlalawigan ng Sorsogon na lagpas na sa 6K benepisyaryo sa lalawigan ang nabigyan nila ng kaukulang ayuda sa ilalim ng Department of Labor and Employment (DOLE) Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) Program.
Sa panayam ng Brigada News FM Sorsogon kay Elsie Toca ang tagapangasiwa ng payout, kabuuang 6,676 na mga benepisyaryo ang nakakuha na ng P9,300 na ayuda kapalit ng isang buwang pagtatrabaho sa Barangay o kabuuang 62 Milyong pisong halaga na mula sa DOLE.
Sa ngayon, patuloy pa rin ang pay-out sa mga natitira pang mga bayan kung kaya’t panawagan ng opisyal sa mga benepisyaryo na kompletohin ang lahat ng mga requirements upang maiwasan ang pagkakaantala ng kanilang ayuda.
Kwalipikado dito ang mgakasambahay, jeepney drivers, PUV drivers, grab drivers, nagmamay-ari ng carinderia, tindero / tindera, dishwashers, independent contractors, at senior citizens na nagtatrabaho pa.
Ang DOLE-TUPAD ay isang emergency employment program na inilunsad ng DOLE Secretary na si Silvestre Bello III para sa mga informal workers na pangkasalukuyang walang hanapbuhay dahil sa pandemya.
Pasok sa kategorya dito ang informal workers na kinabibilangan ng mga “pa-ekstra ekstra lang,”mga self-employed, mga seasonally employed, mga natanggal na trabahador, mga nagtatrabaho sa labas ng kanilang quarantine region na hindi makabiyahe sa trabaho.
