Nagdagdag na ang Cagayan Valley Medical Center ng 50 beds sa kanilang COVID-19 wards upang maakomoda ang lahat ng pasyente habang ikinapangamba naman ang maaaring kaso ng delta variant sa rehiyon na maaring dahilan ng pagdami ng positibong pasyente.
Ayon kay CVMC Chief Dr. Glenn Mathew Baggao, ikinokonsidera na ng kanilang hospital na mayroong delta variant sa rehiyon dahil sa mataas na bilang ng mga nagpopositibong pasyente kung saan lumagpas na ang CVMC sa bed capacity na inilaan para sa COVID-19 patients.
Sa ngayo aniya ay nasa 194 ang pasyenteng positibo sa COVID-19 mas marami kumpara sa inilaan lamang na 150 bed capacity.
Ito umano ang rason kaya’t nagdagdag ng 50 beds upang maging 200 bed capacity ang CVMC COVID-19 ward.
Ang 50 beds ay inilaan sa Intensive Care Unit (ICU) para sa mga pasyenteng nasa kritikal ang kondisyon.

Dagdag pa ni Dr. Baggao, mayroon nang dalawang hotels na naglalaan ng tig-55 na kwarto ang pumayag na maging stepdown facility kung saan ang mga mild cases ay dito na idadala ngunit magpapatuloy pa rin ang monitoring ng hospital sa mga ito.
Bukod sa karagdagang kwarto at beds ay kasalukuyan na rin ang hiring ng hospital ng mga karagdagang nurses, medical technologist, radiological technologist at iba pa.
Tiniyak din niya ang sapat na suplay ng oxygen tanks, gamot, ventilators at iba pang pangangailangan ng mga pasyente upang gumaling ang mga ito sa sakit na COVID-19.
Image: Dr. Glenn Mathew Baggao, CVMC Chief