CAMARINES NORTE- Hindi tulad sa ibang lugar lalo na sa Metro Manila na libo- libo ang lumahok sa mga rally tahimik lang na nakinig ang mga taga Camarines Norte sa huling State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte kahapon.
Pero kahit walang pro o anti- government rally, nagpakalat pa rin ng kapulisan lalo na sa kasentruhan ng Daet kung saan madalas ginagawa ang mga kilos protesta noong mga nakaraang taon.
Kahit daw kasi walang rally ay kailangan pa ring mag deploy ng mga pulis upang tiyakin ang Peace and Order at umasiste na rin sa maayos na pagpapadaloy ng trapiko.
May mga iba na piniling manood lang sa bahay, opisina, Barangay Hall at sa ilang establisymento sa huling SONA ng Pangulo.
Pero ang iba naman ay tuloy lang sa paghahanapbuhay at sa kanilang araw- araw na gawain na animo’y walang magaganap na SONA.
Hangad naman ng nakakarami na matugunan ng gobyerno ang iba’t- ibang problema lalo na ang COVID- 19, mataas na presyo ng mga bilihin at kawalan ng trabaho sa huling taon ng panunungkulan ni Duterte bilang Pangulo ng bansa.

