BNFM BICOL – Muling magsasagawa ang Professional Regulation Commission (PRC) Bicol ng isang Mobile Service sa Catanduanes mula Hulyo 25 hanggang 27, na layong tugunan ang mga pangangailangan ng mga propesyonal sa lalawigan.
Sa pakikipagtulungan ng Congressional District Office sa nasabing probinsya, dadalhin ng PRC ang kanilang mga serbisyo sa CatSU Auditorium upang hindi na kailanganin ng mga residente na bumiyahe pa sa mainland Bicol.
Ilan sa mga serbisyo at programang nakatakdang iaalok sa mga Catandunganon, ay ang application para sa Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT), initial registration para sa mga board passers, at pag-renew ng mga PRC ID.
Para masiguro ang kaayusan, mahigpit na ipatutupad ang no walk-in policy; kinakailangang mag-accomplish ng online requirement at sumunod sa appointment date.
Ang PRC Mobile Service ay malaking tulong para sa mga residente ng Catanduanes na may pangangailangan sa mga serbisyo ng PRC.
Ang hakbang na ito ay nagbibigay-daan upang mas maging accessible ang mga ito sa mga nasa malalayong lugar, sa pamamagitan ng programang ito, inaasahang mas maraming Catandunganon ang makakakuha ng kinakailangang mga serbisyo nang hindi na magdudulot ng abala at gastos sa pagbiyahe. ### Rumer Grant, Intern