NAGA CITY – Walang ibang nakikitang problema ang Metropolitan Naga Water District sa araw-araw na hindi pantay na distrubusyon ng supply ng tubig sa ilang barangay sa Naga City at katabing bayan nito, ang Capital Town, kun’di ang hindi pa normal lebel ng spring source sa Anayan at Rumangrap sa Pili maging ang malaking problema ng water district sa mga illegal na booster pump.
Ayon kay Choppy Dela Cruz, ang spokesperson ng MNWD, bagaman nakararanas na ng pag-uulan ang mga nasabing bayan, hindi pa rin aniya ito sapat upang mapunan at ma-normalize ang lebel ng spring sources. Sa mga elevated naman na area o mga matataas na lugar, ang paghina o pagkawala ng supply ng tubig simula alas-6 ng umaga hanggang alas-9 ng gabi ay dulot ng paggamit ng ilang kabahayan ng mga pinagbabawal na booster pump. Dagdag pa ni Dela Cruz, sa mga oras na ito kapansin-pansin rin ang pagbagsak ng distribusyon dahil sa peak hours kung saan ito mas higit na kailangan.
Sa ngayon, bagaman, nagpapatuloy ang panawagan ng opisina kontra illegal na pagkakabit ng booster pump, payo nito sa mga konsumedor na mag-ipon na lamang ng tubig, o kaya mag-abang sa water lorry na pinapadala ng opisina. Kapag nagpatuloy rin ang pag-uulan, posibleng bumalik rin sa dati ang supply ng tubig.