Dead on arrival sa pagamutan ang dalawang kababaihan matapos mabangga ang kanilang sinasakyang kolong-kolong ng isang forward truck sa kahabaan ng National Highway sa bahagi ng Rizaluna, Alicia, Isabela kahapon, July 12, 2021.
Kinilala ang tsuper ng kolong-kolong na si Bella Lappao, 52-anyos at ang pasahero nito na si Novalie Pagapa, nasa tamang edad, isang licensed teacher at kapuwa residente ng MH Del Pilar, Alicia, Isabela.
Habang kinilala naman ang tsuper ng forward truck na si Teofy Masibay, 42 anyos, may asawa at residente ng Imus, Cavite.
Batay sa imbestigasyon ng PNP Alicia, bandang alas-5 kahapon binabagtas umano ng truck ang lansangan patungong timog na direksyon habang galing naman sa kasalungat na direksyon ang kolong-kolong.
Nang makarating sa pinangyarihan ng insidente, sinasabing nag-overtake umano ang kolong kolong at nasakop ang lane ng forward truck ngunit hindi umano napansin ni Masibay dahilan upang mabangga ito.
Dahil sa lakas ng banggaan ay nagtamo ng malalang sugat sa katawan, mukha at ulo ang dalawang biktima na isinugod pa sa pagamutan subalit binawian din ng buhay.
Boluntaryo namang sumuko sa kapulisan si Masibay at mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide and Damage to Properties.